MAYNILA - Nasa "critical risk" classification ang ilang rehiyon sa harap ng mga tumataas na kaso ng COVID-19 sa ilang probinsiya.
Kasama rito ang Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, Davao Region, Cagayan Valley, Northern Mindanao, Ilocos Region, Caraga, Central Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Nasa high-risk lang sa ngayon ang National Capital Region na nakakakita ng pagbaba ng kaso sa ilang siyudad.
Base ito sa 2-week growth rate at average daily attack rate na naitala ng Department of Health.
Nasa high risk naman ang Bangsamoro Administrative Region of Muslim Mindanao (BARMM).
"Ang maigi lang, nasa 52.1 percent ang bed utilization, nasa 51.15 percent naman ang ICU utilization. Ibig sabihin nasa moderate risk classification ang buong Pilipinas. Pito or anim dito ay nasa moderate risk, 'yung nasa green naman nasa low risk," ani DOH chief Francisco Duque III.
Ayon sa assistant regional director ng DOH - Calabarzon, may 1,172 bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kung saan nangunguna ang Laguna na may 457 bagong kaso.
"Base sa Jan 24, yung hospital utilization we have 40 percent so low-risk, and ICU utilization is about 50 percent, so low po ito. Pero 'yung Batangas nasa moderate for ICU... As a whole 'yung occupancy rate nasa 47 percent so low-risk pa po tayo," ani Leda Hernandez, assistant regional director ng DOH Calabarzon.
Mababa rin ang hospital utilization sa Mountain Province kahit marami ang naitatala nitong kaso.
Paalala naman ng DOH na ipagpatuloy ang pagsunod sa public health standards.
-- Ulat ni Wena Cos, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.