PatrolPH

COVID-19 cases sa Cebu City bahagyang bumababa

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2022 11:29 PM

Bumababa ang bilang ng mga bagong nagpopositibo sa COVID-19 sa Cebu City, ayon sa mga awtoridad nitong Martes.

Ayon sa head ng Emergency Operations Center na si Councilor Joel Garganera, bumaba sa 41% ang positivity rate ng bayan na dating nasa mahigit 50% noong isang linggo.

Sa datos na inilabas ng Department of Health, 531 ang bagong mga kaso ng COVID-19 sa Cebu City nitong Lunes, at nasa 7,102 ang active cases ng lungsod ngayon. 

Mahigit 300 naman ang bagong gumaling sa sakit. Halos kalahati na ito sa naitalang mahigit 1,000 kaso noong weekend. 

Ani Garganera, maaga pa upang masabi na humuhupa na ang mga kaso kaya hindi nila ito ikinatutuwa pa. Nasa mahigit 50% pa din umano ang hospital utilization rate kaya kailangan pang pagbutihin ang pagtigil sa pagkalat ng coronavirus. 

Umabot na sa 27 ang namatay dahil sa COVID sa Cebu City, at karamihan sa kanila ay mga senior citizen at mga hindi bakunado. 

Naghahanda na ngayon ang lungsod sa pagsisimula ng pagbabakuna sa batang edad 5 hanggang 11 na magsisimula sa February 4. 

Online registration rin ang gagawin at kukunin ang consent ng mga magulang. Tatlong vaccination site na ang inihanda, dalawa sa mall at isa sa city sports center.

— Ulat ni Annie Perez

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.