MAYNILA — Pasado na sa Kamara at Senado ang panukalang batas na nagpapalawig sa Solo Parents Welfare Act of 2000 para mas mabigyan ng dagdag benepisyo ang mga solo parent at kanilang pamilya.
Tinatayang 15 milyon ng solo parents sa bansa, na 95 percent ay mga kababaihan, ang magbebenepisyo dito.
Dagdag benepisyo sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act:
- P1,000 kada buwan mula sa LGU para sa solo parent na minimum wage earner
- 10 percent discounts para sa gamot, gatas at diapers sa mga solo parent minimum wage earners na may anak 6 anyos pababa
- Scholarship para sa mga anak ng solo parent
- Prayoridad sa skills development, housing projects at PhilHealth coverage
- Pinaagang paggamit sa solo parent leaves kahit bagong empleyado
Ang depenisyon ng solo parent, pinalawig din.
"Pati 'yung mga asawa o kapamilya nu'ng mga low and semi-skilled OFWs natin na nasa labas ng Pilipinas for an uninterrupted period of 12 months or more ituturing na ring solo parents. 'Yung legal guardians, adoptive o foster parents, pati 'yung mga lolo at lola na tumutulong magpalaki sa apo nila, makakabenepisyo din sa batas," ani Sen. Risa Hontiveros.
Ikinatuwa ito ng mga solo mom, pero nais sana nila ng mas malaking benepisyo.
Umaasa sila na mapipirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala.
—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.