TFC News

59 stranded Pinoy seafarers at turista sa Barcelona, nakauwi na - DFA

Jerome Fadriquela | TFC News

Posted at Jan 25 2022 09:49 PM

BARCELONA - Nakauwi na sa Pilipinas ang 59 Pinoy seafarers at turista mula Barcelona sa tulong ng Philippine Consulate sa Barcelona, Philippine Embassy sa Madrid at Travel Cue company.

Dahil sa pagkakalagay ng Spain sa Red List countries ng IATF Resolution No. 154-E noong December 31, 2021, na-stranded ang 59 na mga Pilipino sa Spain ng mahigit isang linggo. Lulan ng Chartered Flight ENT588, nakalipad mula sa Barcelona-El Prat airport ang mga na-stranded na Pilipino nitong January 12, 2022.

Pinoy repatriates sa Barcelona
Photo courtesy of Barcelona PCG

Lumapag ang 49 na seafarers at sampung turista sa Ninoy Aquino International Airport, gabi ng January 13, 2022. Ang chartered flight ay inayos ng Travel Cue company bilang tugon sa panawagan ng kanilang mga kliyenteng shipping companies para makauwi na ang kanilang stranded Filipino seafarers at crew members.

Ang Philippine Consulate General sa Barcelona ang nakiusap sa Travel Cue na isabay na rin sa byahe ang sampung Filipino tourists na humingi ng tulong sa Consulate General sa Barcelona at Philippine Embassy sa Madrid para makauwi. 

Pinoy repatriates nakauwi na mula Barcelona
Photo courtesy of Barcelona PCG

Trinabaho ng Philippine Embassy, consulate sa Barcelona at Travel Cue sa Barcelona na mabigyan ng clearance sa Spain at Pilipinas ang chartered flight. Lahat ng mga pasahero ng chartered flight ay sumailalim sa mahigpit na quarantine protocols bago lumipad hanggang makalapag sa Pilipinas.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Spain, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

Source:  DFA website