PatrolPH

PH Red Cross nagsimula nang gumamit ng COVID-19 saliva test

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2021 07:31 PM

PH Red Cross nagsimula nang gumamit ng COVID-19 saliva test 1
Nagsasagawa ng pilot test sa COVID-19 saliva test ang Philippine Red Cross noong Enero 12, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News

Malinis na vial at straw lang ang kailangan para kolektahin ang one milliliter ng laway sa isang tao. Ito ang gagamitin na sample para malaman kung siya ay may COVID-19.

Malaking ginhawa para kay Lazaro Isidro, emergency management system officer ng Philippine Red Cross (PRC), ang saliva test dahil madalas umano siyang sumailalim sa test para sa COVID-19.

Wala na aniyang swab na ipapasok sa kaniyang ilong at lalamunan.

"'Yong sa swab medyo kapag sinwab ka na, parang maduduwal ka. So ito, nag-spit ka lang so mas comfortable," ani Isidro.

Para kay Dr. Michael Tee, lead researcher sa pag-aaral ng saliva test, mataas ang accuracy na kanilang nakita sa saliva test, kabilang na ang pag-detect ng virus sa maraming asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas ng sakit.

Enero 21 nang sulatan ng Department of Health (DOH) ang PRC para sabihing inaaprubahan na nito ang pangongolekta ng laway bilang sample na sasailalim din sa PCR machine.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, mas mabilis ang pagproseso ng saliva test, na tumatagal lang nang 3 hanggang 4 na oras.

Nasa P2,000 lang ang presyo ng test kompara sa P3,800 hanggang P5,000 sa swab test sa mga laboratoryo.

Ganoon pa man, may mga mekanismo pa rin umano para bantayan ang saliva test at ma-monitor ang accuracy ng inilalabas nitong resulta.

"Every 100 test, dadaan sa swab test... Para mate-test natin, mino-monitor natin," ani Gordon.

Sa ngayon, sa mga laboratory muna ng Red Cross sa Metro Manila magagawa ang saliva test.

Pero maaaring magawa na rin ito sa ibang rehiyon pagsapit ng Pebrero.

Ayon din sa DOH, hindi pa ito magagawa ng ibang laboratoryo sa labas ng Red Cross.

"For the other laboratories, hihintayin muna natin 'yong validation study ng RITM (Research Institute for Tropical Medicine) before we can fully implement saliva as alternative specimen," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Pero para kay testing czar Vince Dizon, malaking ginhawa ang saliva test, lalo para sa overseas Filipinos na papasok sa bansa.

"Makikipag-meeting kami... sa ating one-stop shop sa airport na ma-roll out na natin ito sa ating mga airport," ani Dizon.

Nitong Lunes, umabot na sa 514,996 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na iyon, 29,282 ang active cases.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.