Bayan sa Isabela, isinailalim sa 14-day lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2021 10:54 PM

Balik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang bayan ng Luna, Isabela bilang tugon ng lokal na pamahalaan sa pagtaas ng COVID-19 cases sa lugar.

Sa isang executive order na ibinaba ni Luna Mayor Jaime Atayde, nag-umpisa ang implementasyon ng MECQ nitong Lunes ng tanghali, Jan. 25, at magtatagal hanggang hatinggabi ng Feb. 7.

Aniya, ang 14 na araw na MECQ ay gagamiting pagkakataon para makapagsagawa ng contact tracing at swab testing sa lahat ng mga matutukoy na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.

 

Mula noong Jan. 1, pumalo na sa 44 ang kaso ng COVID-19 sa Luna, at 26 dito ay itinuturing na active cases.

Sa ilalim ng MECQ, magpapatupad sa buong bayan ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw para sa mga magsasaka, habang mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw para sa ibang residente.

Mahigpit din na ipatutupad ang liquor ban at ipinagbabawal ang dine-in sa mga restaurant. Sarado rin ang mga establisimiyento kagaya ng internet shops, cafes, salon at barber shops.

Lilimitahan naman sa tatlong araw ang burol. Habang sa mga simbahan o kapilya ay nasa limang tao lang ang papayagang dumalo at dapat ay ino-obserba ang physical distancing.

Ipagbabawal din ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan maliban na lamang kung ito ay gagamitin papuntang trabaho.

Ang mga authorized person outside residence naman na nagtatrabaho sa labas ng bayan ay kinakailangan na sumailalim sa antigen test na libreng ibibigay sa rural health unit.

Kinansela na rin ang regular session ng Sangguiang Bayan, habang naka-skeletal force ang mga empleyado sa munisipyo.--Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.