Kaso ng Wuhan virus sa iba't ibang bansa patuloy sa paglobo

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 06:59 PM | Updated as of Jan 25 2020 07:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tumaas pa ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus (2019-nCov) o tinatawag ngayong "Wuhan virus" mula sa pinanggalingan nitong siyudad sa China. 

Sa huling tala, 1,354 ang kumpirmadong tinamaan ng Wuhan virus. Higit 40 na din ang namatay dito.

Wala pa namang kumpirmadong kaso nito sa Pilipinas matapos magnegatibo sa pagsusuri ang 5-anyos na lalaki na inimbestigahan sa Cebu City. 

Pero nitong Sabado, isang pamilyang Brazilian ang under observation matapos magpakita ng sintomas ang mga ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanggaling sa Wuhan ang pamilya, at nilagnat umano ang kanilang batang anak, dahilan para i-isolate sila sa pagamutan sa Puerto Princesa. 

Inoobserbahan din ang isang Taiwanese na nakahalubilo nila. 

Dumaraming kaso sa daigdig

Sa Wuhan nitong Sabado ay isang doktor mismo ang pumanaw dahil sa virus, batay sa ulat ng media doon.

Patuloy na naka-lockdown ang siyudad.

Pinakamarami pa ring kaso ng sakit sa mainland China. Lima naman ang kumpirmado sa Hong Kong at higit 30 ang pinaghihinalaan.

Mayroon na ring mga kumpirmadong kaso sa Taiwan, Malaysia, US, France, Japan, Vietnam, Singapore, Australia, South Korea, at Nepal. 

Patuloy naman ang pag-iingat ng mga awtoridad sa Pilipinas, at naglatag na rin sila ng mga patakaran sa mga paliparan para ma-monitor ang posibleng carrier ng virus.

Ayon sa mga inisyal na ulat, nagdudulot ng respiratory complications ang Wuhan virus na maaaring humantong sa kamatayan kapag hindi naagapan.


—Ulat nina Apples Jalandoni at Arlie Cabrestane, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.