'Tulak' ng droga sa mga mangingisda patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 04:12 PM | Updated as of Jan 25 2019 09:41 PM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang pinaghihinalaang drug pusher nang makaengkuwentro ng pulisya sa Sitio Palakulan, Barangay Wawa, Nasugbu, Batangas nitong Huwebes ng gabi. 

Inabangan ng Nasugbu police ang pagdating ng suspek na si Joshua Hontiveros at kasamang si alyas "Jovit" sakay ng bus mula sa Batangas City para makipagkita sa katransaksiyon na hindi niya alam na pulis pala.

Pero mailap ang mga suspek at nagpaiba-iba ng lugar kung saan magaganap ang transaksiyon, hanggang sa magkasundo sa isang kalye sa Sitio Palakulan.

Habang nagaganap ang transaksiyon, nakatunog ang suspek, at kaagad umanong bumunot ng baril, kaya nagkaroon ng engkuwentro.

Paghupa ng putukan, kitang dead-on-the spot si Hontiveros habang nakatakas naman si Jovit.

Kuwento ng Nasugbu police, Disyembre 2018 pa lang ay may intelligence report na kay Hontiveros, na kadalasan umanong mangingisda ang parokyano.

"Hinahabol nila 'yung mga fisher folk na every two to three weeks lang bumababa ng bangka galing laot. 'Pag naka-shabu raw sila, maganda ang trabaho nila sa laot, hindi napapagod," ani Chief Inspector Ronald Cayago, hepe ng Nasugbu police.

Samantala, sa Barangay Lumabangan sa Nasugbu ay arestado ang mag-live-in partner sa buy-bust operation.

Nakilala ang mga ito na sina Rachele Geli alyas "Sandra" at Leo Orlando.

Ikinubli pa ng mga suspek sa DVD ang shabu habang ibinibiyahe mula sa Dasmariñas City, Cavite. 

Nabatid na kakalaya pa lamang ni Geli noong Agosto 2018 dahil din sa kasong may kinalaman sa droga.

Todo-tanggi naman si Orlando na may alam siya sa ginagawa ng kaniyang kinakasama.

Tinatayang nasa P10,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa kanila.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.