'Pondo sa reform centers, problema kapag binaba ang edad ng pananagutan'

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 03:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magiging hamon ang pagpapanatili ng mga pasilidad kung saan ilalagay ang mga batang mananagot sa krimen sakaling maisabatas ang panukalang nagbababa sa edad ng pananagutan, ayon sa isang abogado. 

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, kinakailangan ding tingnan ang pondong makukuha ng bawat Bahay Pag-asa reformation centers na itinayo na. 

Sa oras kasing maisabatas ang panukalang papanagutin sa batas ang mga edad 12 na masasangkot sa krimen - mula sa minimum age of criminal liability na 15 - ay nakaamba raw ang posibilidad na magkulang ang bilang ng Bahay Pag-asa centers na paglalagyan ng mga mahuhuling kabataan. 

"Kailangan nating tingnan kung tinutumbasan ba nila ng pondo itong mga polisiya... Kasi tandaan natin kahit sa Bahay Pag-asa naglalagak ng pera sa National Budget. [Pero ito] 'yung [para sa ] construction lamang," ani Del Prado sa Usapang de Campanilla noong Huwebes. 

Sa ilalim ng panukala, P5 milyon ang inilaan para sa konstruksiyon ng mga pasilidad. Pero tingin ni Del Prado na hindi pa ito sapat. 

Kailangan pa kasi ng kaukulang mga pondo para sa mga tauhan na ilalagay sa pasilidad, maging ang pera para sa pagkain, gamot, at damit ng mga batang ilalagay roon. 

"[Nandiyan] 'yung mga guardiya, doktor, house parents, at hindi iyan one time na gastos, suweldo iyan. At 'yung mga institution at 24/7, malaking gastos iyan... residential facility ito," ani Del Prado. 

Dati nang sinabi ni Juvenile Justice Welfare Center (JJWC) Executive Director Tricia Oco na kinakailangang gumastos kada araw ng P6,000 hanggang P7,500 para sa pagpapanatili ng reformation center. 

Mula sa kasalukuyang 15 anyos, ibinababa ng House Bill No. 8858 sa 12 taong gulang ang edad ng bata na maaaring papanagutin sa batas kapag siya ay nakagawa ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.