Paghuli ng tawilis ipagbabawal tuwing Marso, Abril

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipagbabawal na ang paghuli ng isdang tawilis sa Taal Lake tuwing Marso at Abril upang maparami ito, ayon sa Department of Natural and Environment Resources (DENR). 

Ayon kay Jose Bascos ng DENR-Provincial Environment and Natural Resources Offices, magsasagawa sila ng "close season" kung saan ipagbabawal ang panghuhuli sa tawilis sa nakatakdang panahon. 

Ito ay matapos ideklara bilang "endangered" o nanganganib nang maubos ang isda, na nakikita lamang sa Taal Lake. Tuwing Marso at Abril ang peak season sa panghuhuli ng nasabing isda. 

"Hindi po natin papayagan na tuluyang maglaho ang lahing tawilis na isda," ani Environment Undersecretary Benny Antiporda. 

May mga itatakda ring conservation areas para hayaang makapangitlog at dumami ang mga tawilis. 

Samantala, ikinakabahala ng mga maliliit na mangingisda sa Taal Lake ang pagbaba ng populasyon ng isda dahil sa magiging epekto nito sa kanilang kabuhayan. 

Umabot sa 100 kilogramo ang nahuhuli nila noong 2000. Pero ngayong 2019, nasa 30 kilogramo na lamang ang nahuhuli nila tuwing pumapalaot. 

"Malaki talaga ang epekto nito. Uunti ang kanilang kita. Walang hanapbuhay, walang kita ang pamilya nila," ani Mabel Orense, presidente ng Kilusan ng Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal. 

Nanawagan naman si Orense na bigyan ng panghanapbuhay ang mga maaapektuhan. 

“Kailangan talaga ipatupad na ang polisiya ng lawa ng Taal. ‘Yun ‘yung the best tapos bago ipatupad yun sana magka-livelihood muna ang mga mangingisda na maaapektuhan,” aniya. 

Isinisisi naman ng grupong PAMAKALAYA sa sobra-sobrang fishpens ang unti-unting pagkaubos ng mga tawilis. 

"We are not pinning the blame on tilapia, but to the incessant drive to increase and expand fishpen structures as well as unsustainable aquaculture practices in Taal Lake by big fish-firms who monopolize the inland water," ani PAMAKALAYA chairperson Fernando Hicap. 

Tiniyak naman ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Eduardo Gongona na may nakikita pa silang lugar kung saan maaaring mag-reproduce ang mga isda para maiwasan ang pagkaubos ng mga ito. 

Hudyat din umano ang pagdedeklarang "endangered" sa tawilis dahil lalo umanong aayos ang mga hakbang para mapangalagaan ang mga tawilis at iba pang isda sa dagat. 

Mabenta pa rin

Sa kabila ng pagiging endangered ng tawilis ay marami pa ring nagbebenta at bumibili nito sa mga pamilihan, gaya na amang sa Commonwealth Market. 

Nagtaas na rin ito ng presyo. 

Mula sa dating presyo na P50, P100 na kada kilo ang presyo ng maliliit na tawilis. Samantala naglalaro sa P120 hanggang P130 mula sa dating P100 kada kilo ang presyo ng malalaking tawilis. 

Paliwanag ng tinderang si Joan Claro, paunti na ang kanilang suplay kaya tumaas ang presyo nito. 

Kabilang sa mga bumili ng isda si Jesusa Conde, na pinakyaw ang tawilis sa isang tindahan sa palengke para ibenta nang tingi sa labas ng kaniyang bahay. 

Iginiit niya na patok pa rin ito sa mga mamimili dahil mura ito. “Ito kahit mahirap, kahit ¼ kilo pwede na silang magkaroon ng ulam,” aniya.

-- Ulat nina Paolo Ferrer at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.