P3 milyong halaga ng 'shabu' nasabat sa N. Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 01:04 AM

Nasabat ang tinatayang P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa 2 umano'y tulak ng droga sa magkahiwalay na operasyon sa North Cotabato nitong Huwebes ng hapon.

Nakuha ang kalahating kilo ng droga mula kay Boy Maguid, residente ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

Narekober din sa kaniya ang ipinaing P1,000 at ilang boodle marked money.

Ayon sa tagapagsalita ng PDEA 12 na si Kath Abad, itinuturing nilang big-time pusher ang suspek dahil sa dami ng nakuhang ebidensya. Nag-ooperate umano ito sa Maguindanao at mga kalapit na probinsya.

Samantala, apat na sachet ng droga naman ang nakuha kay Dwight Togonon sa bayan ng Kabacan sa North Cotabato. Kabilang siya sa regional target list ng PDEA 12.

Nahaharap sa kasong selling at possession of dangerous drugs ang dalawang suspek.

Nasa kustodiya ng Kabacan Police si Togonon, habang nasa selda naman ng Midsayap si Maguid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.