Mga magsasaka sa Pampanga sumusugal sa pakwan dahil sa tagtuyot

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 10:06 PM

Tinatayang 70 porsiyento ng Barangay Vizal Sto Niño ng Candaba, Pampanga ang umaasa pa rin sa agrikultura pero marami sa kanila ang nangangamba na dahil sa parating na tagtuyot.

Mataas ang lokasyon ng barangay kaya pahirapan ang patubig, at karamihan sa mga sakahan ay walang irigasyon.
    
"Kapag po may dumarating na tubig dito naglalagay po muna sa deep well para po may pansamantalang pagkuhanan ng tubig para sa palay," ani Anthony Baylon, staff ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Candaba.

Kaya isa sa alternatibong nakikita ng mga magsasaka ay ang pansamantalang pagtatanim ng pakwan dahil kaunti lang ang kailangan nitong tubig.

"Tabo-tabo lang 'yan... Malakas ding pagkakitaan 'yan," ani Renato Lagman, isang magsasaka.

Napapanahon din ang pagtatanim ng mga pakwan na kayang anihin sa loob lang ng dalawang buwan.

Una nang sinabi ng state weather bureau PAGASA na may posibilidad na magkaroon ng panandalian o mahinang El Niño sa huling bahagi ng Enero o sa Pebrero.

Ayon sa MDRRMO-Candaba, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Agriculture para makapamahagi ng mga libreng binhi sa mga magsasakang maapektuhan ng El Niño.
    
Problemado naman ang magsasakang si Salvador dela Cruz mula Urdaneta City, Pangasinan dahil ang tanim niya na palay, naging bansot na.
    
Nagkabitak-bitak ang nasa tatlong ektaryang sakahan niya dahil hindi na maabutan ng patubig ang kanilang lugar.
    
Remedyo niya ang paggamit ng water pump pero masakit naman aniya ito sa bulsa.

"Gastos ito. Kailangang dagdagan ng abono pampataba ng palay para gumanda siguro," hinaing ni Dela Cruz.

Ayon sa PAGASA, kabilang ang Pangasinan sa 30 probinsiya sa mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, at Visayas na apektado ng dry spell.
    
Kaya naman namomroblema na ngayong ang National Irrigation Administration (NIA) sa Pangasinan dahil kapos sa patubig ang nasa 50,000 ektaryang sakahan sa probinsiya.
    
"Ang epekto ng El Niño sa atin ay made-delay ang ulan at mababawasan 'yung dami ng ulan at 'pag nangyari 'yun apektado ang magsasaka, mababawan ang impounding volume kaya liliit ang area ng mapapatubigan," paliwanag ni Dr. Vicente Vicmundo, regional director ng NIA.

Nakahanda namang magbigay ng shallow tube wells ang NIA sa mga sa mga apektadong magsasaka.

-Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.