Mag-ina, naputulan ng paa nang salpukin ng kotse

Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 03:01 PM | Updated as of Jan 26 2019 09:14 PM

Naputulan ng kaliwang paa si Kristine Pelo habang naputol rin ang kanang paa ng kaniyang anak na si John Michael Abatayo nang mabundol ng kotse sa Naga City.

NAGA CITY – Nagpapagaling pa sa ospital ang isang babae at ang kaniyang atletang anak na lalaki matapos na mabundol ng isang kotse nitong Martes.

Naghihintay makatawid sa kalsada si Kristine Pelo at anak nitong si John Michael Abatayo para bumili ng pagkain nang mabundol ng kotseng minamaneho ng isang babae.

Watch more in iWantTFC

"Nag-o-overtake siya, paglingon ko, ‘yun na," ayon kay Pelo.

Dahil sa aksidente, naputol ang kaliwang paa ni Pelo habang putol rin ang kanang paa ng kaniyang anak na pinangarap pa namang maging magaling na manlalaro ng sepak takraw.

Ikinalulungkot naman ng pamilya ang aksidente lalo pa’t pambato ng paaralan si Abatayo sa gaganaping district meet.

Dahil sa aksidente, malabo na itong makapaglaro pa.

Iminungkahi naman ng doktor na isailalim ang bata sa isang psychiatrist.

"The injury was complete traumatic amputation of the leg. Usually, when we have these case we refer them to a psychiatrist," sabi ni Dr. Jensy Ong.

Isasailalim pa sa ilang pagsusuri ang kalagayan ng mag-ina. 

Umapela naman ng tulong si Pelo para sa kaniyang anak.

"Kung sino man ang may mabuting loob, sana tulungan kami," sabi niya.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang babaeng nakabundol sa mag-ina pero handa raw siyang tumulong sa gastusin ng kaniyang mga biktima.

Desidido pa rin ang pamilya ng biktima na sampahan siya ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.