Kaanak ng namatay sa Sinulog concert, pumayag sa awtopsiya

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 08:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumayag na ang pamilya ng 19 anyos na namatay sa umano'y drug overdose sa concert sa Cebu City na isailalim sa autopsy ang kanilang kaanak.

Ito ay matapos hilingin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng dalagitang si Ashley Abad, na binawian ng buhay nang dumalo sa concert sa bisperas ng Sinulog Grand Parade.
 
"We have agreed already, we are very satisfied and very cooperative with the authorities," ayon sa tiyuhin ni Abad na si Benny.

Samantala, hinihiling umano ng kampo ng kasintahan at mga kaibigan ni Abad na hintayin muna na mabigyan sila ng court order bago lumapit sa mga awtoridad, ayon kay Chief Inspector Dindo Alaras, hepe ng Cebu City Police Office Station 4.

Ito ay matapos silang markahang "persons of interest" sa pagkamatay ni Abad.

Humihiling si Alaras na makapagbigay na ng impormasyon ang mga ito para mabilis nang umusad ang kaso.

Samantala, nag-post ang mga malalapit kay Abad ng mga retrato sa social media kung saan may mga puting ribbon sila sa kanilang pulso, na simbolo umano na inosente si Abad sa paggamit ng droga.

Magugunitang pinaghinalaan ng pamilya ng biktima na maaaring nilagyan ng droga ang inumin ni Abad na ikinamatay umano nito.

Ipinayo ng PDEA na huwag tumanggap ng maiinom o pagkain galing kanino man ang mga dumadalo sa mga party.

-- Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.