Holdapan nabawasan dahil sa 'stairway to heaven': MMDA

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 06:28 PM | Updated as of Jan 25 2019 07:23 PM

Nagagamit na ng mga pedestrian ang mala-"stairway to heaven" footbridge sa kahabaan ng EDSA. Ayon sa MMDA, nasa 1,500 hanggang 2,000 ang dumaraan sa tulay araw-araw. Michael Delizo, ABS-CBN News

Magmula noong buksan ang "Stairway to Heaven" na footbridge sa EDSA ay tuluyan umanong nawala ang insidente ng mga aksidente at holdapan sa paligid nito, ayon sa isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, wala pa silang naitatalang insidente ng holdapan at aksidente sa lugar ng tulay - na siya mismong layunin ng ahensiya sa pagpapatayo nito. 

Dagdag niya, wala na silang natanggap na reklamo ukol sa tulay, na dinaraanan umano ng nasa 1,500 hanggang 2,000 katao araw-araw. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Wala nang reklamo, and we have data, about 1,500-2,000 ang gumagamit na niyan araw araw," aniya. 

Plano ring lagyan ng bubong ang tulay bilang paghahanda sa tag-ulan. May plano ring lagyan ng escalator o elevator ang tulay pero hindi pa umano kaya ng budget. 

Ayon pa kay Garcia, malaking tulong ang pagpapatayo ng tulay sa kanilang kampanya kontra jaywalking. 

Noong 2017, apat ang namatay habang mahigit 10 ang nasugatan sa pagja-jaywalk sa gitna ng EDSA. 

Magugunitang binatikos ang taas at estruktura ng "Stairway to Heaven" kaya binago ang disenyo ng tulay at naantala ang pagbubukas nito.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.