2 sugatan dahil sa tumagilid na jeep sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 08:52 AM

ANTIPOLO CITY - Dalawa ang sugatan matapos tumagilid ang isang pampasaheong jeep dito sa lungsod, Biyernes.

Nagtamo ng mga bukol at sugat sa ulo ang mga di pinangalanang biktima na agad dinala sa ospital, sabi ng mga awtoridad.

Kumalat ang krudo at humambalang sa 3 linya ng westbound lane ng Marcos Highway ang jeep na biyaheng Cogeo-Cubao na may plate number na DWJ 654 matapos ang insidente.

Mabilis ang takbo ng jeep bago ito tumagilid, ayon sa saksing si Sofronio Berongoy.

Tila umano nakikipagkarera ito sa isa pang jeep na kaniyang siningitan, sabi ni Berongoy.

Aabot sa 18 ang pasahero ng naturang jeep, aniya.

Kinuyog ng mga nakaligtas na pasahero ang driver ng jeep.

Hawak na ng Antipolo Police ang driver na kinilalang si alyas "Ulo" habang naitabi na ang jeep at binombahan na ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang tumagas na krudo sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.