UV Express 'aalalay' sa commuters ng MRT: DOTr

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 09:58 PM | Updated as of Jul 25 2019 01:26 PM

Watch more in iWantTFC

Nakipag-ugnayan na ang Department of Transportation (DOTr) sa ilang pribadong operator ng UV Express para umalalay sa mga commuters na umaaray sa kanilang kalbaryo sa MRT.

Sa panayam sa programang "Umagang Kay Ganda," sinabi ni DOTr Assistant Secretary Elvira Medina na papayagan na sa Lunes ang pagsasakay at pagbababa ng ilang UV express sa mga lugar kung saan maraming pasahero ng MRT.

"Mayroon pong kausap na [ang DOTr] na tatakbo sa linya ng ating MRT na magsasakay at magbababa sa mga pinaka-critical areas. 'Yung mga dati po naming point-to-point kasi, isa lang 'yung binabababaan at sinasakyan," paliwanag ni Medina.

"Puwede po silang magsakay at magbaba doon sa designated areas kung saan malalaki 'yung volume ng entrance at exit ng mga pasahero ng MRT," dagdag niya.

Hindi rin umano madaragdagan ang volume ng sasakyan sa kanilang plano dahil ang mga unit na aalalay ay iyong mga dati nang pumapasada sa lugar. 

Tatakbo ang programa habang ginagawan ng DOTr ng solusyon ang mga problema sa MRT, ayon kay Medina.

Matatandaang nitong Miyerkoles ay bumagsak na lamang sa pito ang tumakbong tren ng MRT na nakaperhuwisyo sa libo-libong pasahero.

Ito ay dahil sa electrical failure sa motor at braking system, ayon sa pamunuan ng MRT.

Sinisisi rin ng DOTr ang dating maintenance service provider ng MRT na BURI, na hindi umano nag-iwan ng sapat na suplay ng spare parts para sa mga masisirang bagon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.