'Tanggal Bulok,' ikakasa na rin sa ilang probinsiya

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 09:22 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Palalawigin simula Biyernes ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang paghuli sa mga bulok at mausok na pampasaherong jeep sa mga lalawigang kalapit ng Metro Manila.

Tinatayang nasa 55,000 ang bilang ng mga pumapasadang jeep sa Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, na balak targetin ng I-ACT upang matiyak na ligtas para sa mga pasahero. 

"Para malaman ng publiko na hindi lang kami sa Metro Manila naka-focus but with the other provinces ng Luzon," sabi ni Emmanuel Gonzales, pinuno ng I-ACT Task Force Alamid.

"Maybe in the near future, Visayas and Mindanao," dagdag ni Gonzales.

Gaya ng "Oplan Tanggal Usok, Tanggal Bulok" sa Metro Manila, limang pamantayan ang titingnan ng mga operatiba ng I-ACT sa mga provincial jeep: preno, gulong, ilaw, emission o pagbuga ng usok, at kung angkop ang kasuotan ng tsuper.

Ayon kay Gonzales, maraming aksidente sa mga lalawigan ang kinasasangkutan ng mga bulok na jeep.

"Base sa mga data, karamihan ng accident na nangyayari sa mga probinsiya din, mga jeep ang nai-involve," ani Gonzales. "Nalalagay sa alanganin ang ating mga pasahero." 

Magdadala ang I-ACT ng 25 military trucks na handang magbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong posibleng ma-stranded.

Dito kasi sa Kamaynilaan, maraming pasahero ang naperwisyo nang simulang ipatupad ng I-ACT ang kampanya, dalawang linggo na ang nakalilipas.

May mga tsuper na pinili na lang hindi pumasada at may mga nag-"trip cutting" o pinuputol ang mga biyahe upang makaiwas sa panghuhuli.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.