Taho o subpoena? Parusa at parangal sa 'Tanggal Bulok' program

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 11:45 AM | Updated as of Jan 25 2018 12:05 PM

Pinangunahan ni Atty. Aileen Lizada ng IACT ang operasyong "Tanggal Bulok, Tanggal Usok" sa Quezon City, Huwebes. Kuha ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

MAYNILA - Sa kabila ng kilos-protesta ng transport groups, itinuloy ng Inter Agency Council on Traffic (IACT) ang pag-iinspeksiyon ng mga jeepney sa ilalim ng "Tanggal Bulok, Tanggal Usok" program.

Mismong si IACT spokesperson Aileen Lizada ang nanguna sa pag-iinspeksiyon sa mga jeep na pumapasada sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, Huwebes ng umaga. 

Sa loob ng isa't kalahating oras, 13 tsuper agad ang nabigyan ng subpoena dahil sa maitim na usok ng kanilang jeep. Tatlo naman ang natiketan dahil sa depektibong hand-break at headlights. May isang e-jeep ring nasita dahil walang lisensiya ang drayber nito. 

Pero marami ring jeep ang pumasa sa inspeksiyon ng IACT, at bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa polisiya, binigyan mismo ni Atty. Lizada ng libreng taho ang 29 tsuper na ito. Kahit ang ilang pasaherong nanghingi ay nabigyan din nito. 

Samantala, maliban sa Commonwealth Avenue, nagsagawa rin ang IACT ng simultaneous operations sa iba pang bahagi ng Metro Manila. Kasabay nito, nagde-deploy ng libreng sakay ang gobyerno sa mga pasaherong naistranded dahil sa mga di pumasadang jeep.

Kahapon lamang ay dinala sa lansangan ng mga tsuper at operator ng jeep ang kanilang protesta sa programang "Tanggal Bulok, Tanggal Usok," na anila'y simula na ng hindi makatarungang phaseout sa mga lumang unit. 

Iginiit din ng PISTON, ang grupong nanguna sa protesta, na pagkakakitahan lamang ng isinusulong na modernisasyon ng gobyerno ang mga tsuper at operator dahil sa paglalagay nito ng umano'y overpriced na bagong units. 

Nilinaw naman ng transport group na hindi sila kontra sa modernisasyon at ang gusto sana nila ay maging makatarungan programa ng gobyerno para makinabang ang mga maliliit na tsuper at operator, hindi ang mga negosyante.

--ulat mula kay Joyce Balancio ng ABS-CBN News