Pekeng abogadong nagbenta ng lupa ng iba, tiklo sa entrapment operation

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 05:46 PM | Updated as of Jul 24 2019 05:58 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto noong Miyerkoles sa isang entrapment operation sa Tondo, Maynila ang isang pekeng abogadong nagbebenta umano ng ekta-ektaryang lupang pag-aari ng iba.

Ito ay matapos idulog sa pulisya ng pamilya Obrada na pinagbentahan umano sila ng suspek na si Robert Cinco ng lupain sa Parola Compound, Tondo na kamakailan lang nila nalaman ay pagmamay-ari ng iba.

Pinasok pa ng pulisya ang bahay sa Parola Compound na tinitirahan ng pamilya para palayasin sila. 

Laking gulat din ng biktimang pamilya nang humarap sa kanila ang isang abogadong nagsabing hawak niya ang tunay na titulo ng lupa.

Nagsilbing hibo sa operasyong ikinasa ng Manila Police District Intelligence Operation Unit ang mga Obrada, na nakipagkita kay Cinco sa isang restoran sa Tondo.

Napag-alaman ng Manila police na pekeng titulo pala ang hawak ng suspek na si Robert Cinco para ibenta ang mga lupa sa isang compound sa Tondo, Maynila.

Sa entrapment, ipinakita muli ni Cinco ang mga pekeng titulo ng lupa sa Parola Compound. 

Sinubukan din nitong mangikil ng pera sa mga Obrada pero agad hinuli ng pulisya.

Nahaharap si Cinco sa patong-patong na kasong trespassing, usurpation of authority, falsification of public documents, syndicated estafa, at robbery extortion.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.