Patrol car at jeep, nagkasalpukan sa Cebu

Donna Lavares, ABS CBN News

Posted at Jan 25 2018 09:18 AM

Nagkasalpukan ang patrol car ng Mobile Patrol Group at isang pampasaherong jeepney, Miyerkoles ng gabi sa Cebu City.

Sakay ng patrol car ang ilang duty police officers na galing umano sa pagresponde sa isang protection alarm sa Barangay Lahug.

Ayon kay PO1 Kervin Tamosa, driver ng patrol car, sinubukan niyang lumiko sa kabilang lane dahil iniwasan niya ang jeep na di umano’y sasakop sa kanyang lane.

Pero hindi na umabot pa sa kabilang lane ang kanilang sasakyan at bumangga na sa harapan ng behikulo ang jeep sa kahabaan ng F. Ramos Street.

Sabi naman ng driver ng jeep na si Joseph Dungog, tinangka niyang lumiko sa kabilang lane dahil umiwas din siya sa patrol car na papunta rin sa kanyang lane.

Pero bago pa nangyari ang insidente ay may iniwasan din umanong humaharurot na sasakyan ang jeep.

Sa imbestigasyon ng Cebu City Traffic Operations-CCTO, parehong wala sa kanilang lane ang dalawang sasakyan.

Wala namang nasugatan sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.