Mga pinuno ng Senado, Kamara, may usapan na sa cha-cha

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 10:35 PM

Matapos magpalitan ng pasaring ang mga senador at kongresista sa usapin kung papaano babaguhin ang kasalukuyang Saligang Batas, nagkasundo na ang mga lider ng dalawang kapulungan na plantsahin muna ang mga probisyong dapat emyendahan.

"We agreed to shift the focus, that rather than debate on the mode, we will use our energies on coming up with specific proposals which can possibly gain the support from our respective chambers," ani Senate President Aquilino "Koko" Pimentel sa kaniyang panayam sa ANC. 

Nagbago ang ihip ng hangin matapos ang hapunan nina Pimentel, House Speaker Pantaleon Alvarez, House Majority Leader Rodolfo Fariñas, at Senate Majority Leader Tito Sotto nitong Miyerkoles. 

Tingin ni Alvarez, mas praktikal ang ganito dahil baka makabuo naman sila ng panukala na mas tatanggapin ng mayorya.

"I think that is the most doable thing. Kasi maging praktikal tayo, kung halimbawa eh magkasundo naman kami sa bawat hakbang, so pagdating sa dulo it doesn't matter anymore kung voting separately or jointly, 'di ba?" ani Alvarez.

Bagama't walang napagkasunduang timetable naniniwala silang mangyayari ang charter change (cha-cha) bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"If a revision gets support in both houses, we need time for changes. A plebiscite in May 2019 would sound practical because it will be together with the already scheduled 2019 midterm elections so that will save us a little money," paliwanag ni Pimentel.

"Talagang ito ay mangyayari nitong termino ng ating Pangulo. As soon as possible mag-meet kami ulit para doon mapag-usapan yung structure nu'ng gobyerno," ani Alvarez. 

Para sa ilang mambabatas, isang magandang hakbang ang pagkakasundo ng mga lider na ipagpaliban ang debate sa kung anong paraan ng cha-cha ang dapat manaig.

"The issue has always been the manner and process of doing [cha-cha]. But I guess, as the saying goes, let's agree on what we can agree and set aside for tomorrow what we cannot agree upon," ani Senador Francis Escudero. 

Para naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, sa Korte Suprema pa rin ang bagsak ng isinusulong na cha-cha. 

"It is the mode of effecting the shift which bedevils the Senate and House leaderships. Ultimately, the impasse would have to be resolved by the Supreme Court," aniya. 

Ayon naman kina Sen. Antonio Trillanes, Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Franklin Drilon, kasunduan lang ng mga nasa pulong noong Miyerkoles ang nabuo at hindi desisyon ng buong Senado.

"What happened last night was just an agreement between those who attended that meeting. The other senators have yet to agree with anything," ani Trillanes.

"I am certain my fellow senators would like to be briefed first by the leadership as to what was discussed in the meeting before we can commit to anything in this regard," ayon naman kay Pangilinan.

"The Senate is a collegial body," pahayag ni Drilon. 

Tingin naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, tila natauhan ang Kamara na hindi sila puwedeng mag cha-cha nang wala ang Senado.

"Kaya nga siguro nag-usap na yung 2 leaders of both houses dahil sinabihan na ng Malacañang [na] hindi puwedeng magkakaniya-kaniya kayo." ani Zarate. 

Magtatakda ng serye ng pulong ang mga lider at staff ng mga mambabatas para bumuo ng kongkretong panukala na ipepresenta sa buong Kongreso.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.