Mga lumilikas mula sa Mayon, maaaring idaan sa dagat

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 09:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sumailalim sa pagsasanay nitong Huwebes ang mga tauhan ng Naval Forces Southern Luzon upang mapaghandaan ang pagbibigay ng ayuda sa mga residente sa Albay sakaling magkaroon ng mapaminsalang pagputok ang Bulkang Mayon at kailanganing lumikas sa pamamagitan ng pagtawid sa dagat. 

Nagkaroon ng drill at simulation ang Naval Forces Southern Luzon sakaling kailanganing idaan sa dagat ang paglikas ng mga residente palayo sa bulkan.

May nagkunwaring lumilikas at isinakay sa mga rubber boat.

Mayroon ding medical team na handang sumalo sa mga magkakaroon ng injury at may karamdaman.

Huwag na sana umanong magdala ng gamit ang mga lilikas para mas marami ang maisakay sa mga bangka.

Dadalhin ng mga bangka ang mga lumikas sa mga nakaabang na barko bago ihatid sa mas ligtas na lugar.

"Dito sa contingency plan namin, mula sa shoreline, dadalhin namin ['yong mga evacuees ] sa 20-kilometer safe na radius from Mayon," pahayag ni Captain Danilo Fuentes Jr., deputy commander ng Naval Forces Southern Luzon.

"Tapos babalik itong mga barko to rescue 'yong mga naiwan. Tuloy-tuloy lang ito," ani Fuentes. 

Bagaman wala pang katiyakan kung titindi pa ang pagsabog ng Mayon, mas mainam umanong handa ang mga tropa sa kahit anong sitwasyon.

Pumalo na sa 74,000 katao ang bilang ng mga nasa evacuation center, ayon sa disaster agency ng lalawigan.

Mula hatinggabi hanggang bago mag-alas-6 ng gabi, anim na beses naitalang nagbuga ng abo at lava ang Mayon nitong Huwebes.

Ito'y noong 2:02 ng madaling araw, 6:21 ng umaga, 8:45 ng umaga, 11:33 ng umaga, 2:28 ng hapon, at 5:45 ng hapon. 

Namamaga pa rin

Muli namang nag-abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga residente na huwag maging kampante bagaman hindi pa nagkakaroon ng malakas na pagputok ang Mayon.

Sa ginawang ground deformation survey ng Phivolcs nitong Huwebes, lumabas na namamaga pa rin ang Mayon kaya dapat asahan ang sunod-sunod na pagbuga ng lava at abo.

Sakaling mawala ang pamamaga ng bulkan, posibleng hindi na umano kailanganing itaas sa alert level five, ang pinakamataas na alert level, ang Mayon.

Dapat kasi ay "sustained" o tuloy-tuloy ang pagsabog para mapasok sa alert level five ang bulkan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Epekto ng abo

Nananatili namang balot sa abo ang ilang lugar malapit sa paanan ng Mayon nitong Huwebes dahil sa patuloy nitong pag-aalboroto.

Bukod sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig, inabot na rin ang ilang barangay sa Tabaco City.

Kuwento ni Epifanio Bolilan, residente ng Tabaco, nakasanayan na niya ang aktibidad ng bulkan.

"Sanay naman kasi kami kaya hindi na kami natatakot na," ani Bolilan.

Hindi naman maiwasang mangamba ng residenteng si Maria Behil bagaman namamangha sa hitsura ng Mayon tuwing binabalot ito ng abo.

Hindi naman apektado ng abo ang mga nasa mga evacuation center sa Tabaco pero hiniling nila ang pagkakaroon ng malinis na tubig at kulambo.

Ramdam naman ng mga negosyante sa Camalig ang epekto ng abo.

Pansamantalang nagsara ang ilang karinderya dahil walang benta.

"'Yong mga tao, wala, hindi sila lumalabas. 'Yong mga turista naman nasa Legazpi kaya medyo mahina," anang tinderang si Janet Octavo.

Nilinis rin nitong Huwebes ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga porcelain insulator.

Maaari kasing magkaroon ng malawakang brownout kapag hindi ito inasikaso. 

"'Yong abo diyan, magko-cause ng tripping [ng kuryente]," ani Victorino Dig ng NGCP.

Pero may ilang residenteng piniling manatili muna sa loob ng nine-kilometer extended danger zone.

Sakaling mangyari ang malakas na pagputok, magmomotorsiklo na lang anila sila palabas ng danger zone.

Apektado rin ng abo ang mga taga-ikalimang distrito (Rinconada) ng Camarines Sur.

Nasa 18 barangay ang binagsakan ng abo sa lungsod ng Iriga sa Rinconada.

May bumagsak ding abo sa Nabua, Baao, at ilang parte ng Buhi sa Camarines Sur.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.