Mga lumikas dahil sa Mayon, siksikan sa evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 07:17 PM | Updated as of Jan 25 2018 10:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit 40,000 na ang sumilong sa iba’t ibang evacuation centers dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Isa sa mga lumikas mula sa extended danger zone si Helen Samonte na taga-Camalig, Albay. 

Napilitang lumikas si Samonte dahil nakatira siya malapit sa paanan ng bulkan.

“'Yung mga kasama ko diyan, 31 kaming pamilya. Siyempre maraming mga bata. Kagabi nga, natulog kami. Ano na lang. Paano? Patagilid tapos kung saan-saan na lang,” kuwento ni Samonte.

Sa isang silid-aralan nagsisiksikan ang buong pamilya ni Samonte kasama ang tinatayang 30 iba pang pamilya.

“Medyo mahirap. Siksikan. 'Tsaka mainit,” dagdag niya. “Kumbaga ‘yung suporta, suportahan din nila ‘yung mga katulad namin.”

Bagaman sanay na sila sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, nag-aalala pa rin si Samonte para sa kaligtasan ng kaniyang kapamilya.

“Kagabi parang shower [‘yung lava]. Grabe, kakatakot, parang nanginginig talaga ako.” 

Nais ni Samonte na humupa na ang tila pagngangalit ng bulkan upang makabalik na sila sa kanilang lugar. 

“Kailangan mong bumalik kasi ‘yun lang naman ang lugar [namin],” banggit ni Samonte.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patuloy naman ang pagpapaalala ng mga eksperto na lumikas sa itinalagang danger zones ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) para hindi maabot ng pyroclastic flow o "lava fountaining" sakaling mapaminsala na ang pagsabog ng Bulkang Mayon. 

“Pina-evacuate po natin sila dahil po sa banta ng pyroclastic flow to maintain a safer distance far from the danger zone. Para po anytime na pumutok ang bulkan, wala pong mamamatay. Safe,” ayon kay APSEMO Head Cedrick Daep.

“Evacuation is the best countermeasure that we can apply, rather than rescue [residents].” 

Ayon kay Daep, pangunahing pangangailangan nga lang ng mga evacuees ang pagkain at malinis na tubig.

Sundan ang “Red Alert” sa Facebook (www.fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (www.twitter.com/ABSCBNRedAlert) para sa iba pang detalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.