Banyaga na sangkot sa 'double your money' modus, timbog sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 04:28 PM


DAVAO CITY - Isang lalaki mula sa Cameroon ang arestado sa isang entrapment operation Huwebes dahil sa pamemeke umano ng pera. 

Arestado ang 29 anyos na si Kamaha Djomou Jinluc matapos ireklamo ng 2 negosyante na umano'y biktima ng "double your money" modus ng suspek.

Ayon sa mga biktimang sina Mary Jean Tan at Mary Ann Garcia, nakilala nila ang suspek sa isang website. 

Sa magkahiwalay na pagkakataon, nakipagkita ang suspek sa kanila at niyaya sila sa isang hotel kung saan ipinakita umano nito kung paano gumawa ng pekeng pera gamit ang carbon paper at mga kemikal.

Naengganyo ang dalawang negosyante kaya nagbigay si Tan ng P150,000, habang si Garcia naman ay nag-abot ng P25,000 sa suspek upang "doblehin."

Nagsumbong lamang sina Tan at Garcia matapos umanong kunin ng suspek ang mga tunay na pera at iwan sa kanila ang mga pinekeng piso.

Mahaharap sa kasong paglabag sa cybercrime law, estafa, at paglabag sa immigration laws ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.