Babae, nilimas umano ang P1-M halaga ng alahas ng kanyang tiyahin

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 09:09 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang babae na tinuturong kasabwat sa pagnanakaw ng mahigit P1 milyong pisong halaga ng alahas mula sa kanyang tiyahin sa Las Piñas.

Kinilala ang hinuli na si Sharon Cabrera, 37-anyos.

Kuwento ng biktimang si alyas Gloria, nakatanggap siya ng tawag noong Martes na nilooban ang kanyang bahay na nasa loob ng isang exclusive subdivision.

Nasa Mindoro siya dumadalo ng kasal ng kanyang kaanak nang mangyari ang panloloob.

Pagdating niya roon, nadatnan niyang hinalughog ang mga aparador at gamit sa kanyang kuwarto.

Nilimas ang kanyang mga mamahaling alahas na karamihan ay naipundar sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Tinangay pa ang hard drive at video player ng mga CCTV camera ng bahay.

Nalaman ni Gloria sa kapitbahay na nakita nito sa labas ng bahay ang pamangkin niyang si Cabrera at ang karelasyon nito noong hapon bago pa nadiskubre ang pagnanakaw.

Dahil dito, hinuli si Cabrera sa follow-up operation ng pulisya.

Nakita sa bag ni Cabrera ang ilang piraso ng alahas na kinumpirma ni Gloria ay sa kanya.

Pero nakasanla na ang ibang mga alahas batay sa mga narekober na mga dokumento kay Cabrera. Naipambili pa ng mga damit ang nakuhang pera.

Pinabulaanan naman ni Cabrera na siya ang nagnakaw ng mga alahas.

Naniniwala si Gloria na naimpluwensiyahan ng barkada at iligal na droga ang kanyang pamangkin kaya naudyok sa krimen.

Naghain na ng karamptang kaso ang pulis laban kay Cabrera. Ang umano'y kasabwat niya ay pinaghahanap pa rin ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.