8 truck ng ballot boxes mula CamSur, pa-Maynila na

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 04:15 PM

PILI, Camarines Sur - Walong truck na may kargang ballot boxes mula sa probinsiya ng Camarines Sur ang lumarga na patungong Maynila, Huwebes ng umaga.

Nasa 960 ballot boxes mula sa 3 distrito ng lalawigan ang laman ng mga truck ng Philippine Postal Office (Philpost).

Mandatong 50-kilometro por ora ang takbo ng mga truck na may escort na pulisya.

Pero nagka-aberya ang truck number 4 pagdating sa bahagi ng bayan ng Del Gallego dahil umano sa pumalyang computer box ng behikulo.

Agad namang nakumpuni ito at nagtuloy-tuloy ang biyahe patungong Maynila.

Sa Supreme Court idi-diretso ang ballot boxes kung saan gagawin ang manual recount kaugnay sa electorial protest ni dating senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa Biyernes naman nakatakdang ibiyahe ang natitirang ballot boxes mula sa ikaapat na distrito ng probinsiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.