Bangkay ng OFW na namatay sa kulungan sa Saudi, naiuwi na

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2017 07:40 PM

MEXICO, Pampanga - Magkahalong galit at tuwa ang nararamdaman daw ngayon ng Pamilya Gonzales sa pag-uwi ng mga labi ng kaanak nilang si Rolando sa Pampanga mula sa Saudi Arabia nitong Miyerkules.

Isa si Rolando at ang kapatid nitong si Edison at kabaryong si Eduardo Arcilla sa mga nahatulan ng parusang kamatayan sa pagkakasangkot umano sa pagpatay sa 3 kapwa Pilipino sa Saudi Arabia noong 2006.

"Masaya na malungkot kasi hindi tulad dati na nagaalala kami hindi namin siya nakikita ngayon kahit papaano nakasama natin siya ng ilang araw," ani Gina Gonzales Pascual, kapatid ni Rolando.

Aminado ang pamilya na naging malaking tulong si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Governor Lilia Pineda sa pagkalap ng P15 milyong blood money noong 2008.

"Ginawa namin ang kaya para sa blood money nakasuhan pa nga si Presidente dahil sa PCSO fund... Pero hanggang doon lang ang kaya namin," ani Pineda.

Hindi maitago ng pamilya ang hinagpis tuwing maaalala ang mga panahong nasayang para sa mga kapatid sa loob ng piitan.

"Ang bait bait ng mga kapatid ko, 12 kami pero pinalaki kami ng maayos... napakasakit ang daming panahon at taon nasa 12 years na naglalakad kami ng mga papel, nakikiusap kung kani kanino. Ang ayos namin siyang inihatid....tapos ganito lang pala ang mangyayari malamig na bangkay na pala na ibabalik sa amin," ani Gina.

Dagdag ni Pineda, hindi siya titigil sa paghingi ng tulong para mapalaya ang iba pang kasama ni Rolando sa kulungan.

"Hindi kami titigil sa pagpa-follow up sa DFA at (kay) Presidente kasi 'yun na lang ang paraan," aniya.

Umaasa silang hindi na abutan pa ng kamatayan ang iba pang overseas Filipino worker (OFW) na nakakulong bago pa makapiling ng kanilang pamilya.

Sa Huwebes nakatakdang ihatid ng kanyang pamilya si Rolando sa kanyang huling hantungan.