2 tauhan ng NBI Tarlac, nagbarilan; 1 patay

Ron Lopez, DZMM

Posted at Jan 25 2017 11:35 PM

Patay ang isang security officer ng National Bureau of Investigation (NBI)-Tarlac matapos makipagbarilan sa isa pang taga-NBI sa Brgy. Dolores, Capas, Tarlac ngayong gabi. 

Ayon kay Tarlac Provincial Director Senior Supt. Westrimundo Obinque, kinilala ang biktimang si Laverne Vitug, 51 taong gulang at residente ng Tarlac City, habang kinilala ang suspek na si Atty. Boy de Castro.

Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nasa loob ng isang sabungan ang dalawa 6:20 pm kanina nang hindi umano ito magkabayaran sa pustahan kaya't nagkaroon ng pagtatalo.

Maya maya'y nagkabarilan na ang dalawa sa loob ng sabungan at nasugatan ang biktima na nakainom nang mangyari ang krimen. Sinubukan pa itong isugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. 

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang suspek na si De Castro na isang intelligence officer ng NBI-Tarlac na tumakas sakay ng kanyang Mitsubishi Pajero.