Kinumpirma ngayong Lunes ng Department of Health na nag-peak na o pumalo sa pinakamataas ang bilang ng mga bagong COVID-19 case sa National Capital Region (NCR).
"Nakikita natin na ilang araw nang sunod-sunod bumababa ang kaso sa NCR at lumiliit ang porsiyentong inaambag nito sa ating total caseload," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.
Base sa datos na inilabas ng DOH, simula Enero 15, tuloy-tuloy nang nakita ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso sa rehiyon.
Pero mataas pa rin ang 5,433 na bagong kasong naitala noong Linggo kaya dapat pa umanong magpursige ang lahat para patuloy pa itong bumaba.
Nasa 41.8 porsiyento naman ang bed utilization rate sa NCR habang 47 porsiyento ng mga intensive care unit ang okupado.
Para sa OCTA Research Group, tugma sa kanilang projections ang takbo ng mga numero sa NCR.
Kung magpapatuloy naman ang pababa na trend ng COVID-19 sa NCR, posibleng pagsapit ng kalagitnaan ng Pebrero ay mas mababa na sa 1,000 bagong kaso ang maitatala, ayon sa OCTA.
Ayon pa sa grupo, maaaring sa Marso o Abril pa matapos ang "omicron wave" sa Pilipinas dahil na rin sa sitwasyon sa mga rehiyon.
"Medyo matatagalan 'yong omicron wave. Kasi kahit na medyo bumababa na sa NCR at sa Cavite, Rizal, pataas pa lang sa ibang lugar," ani OCTA fellow Guido David.
Ramdam ng Western Visayas Medical Center sa Iloilo City ang pagtaas ng kaso kaya itinaas nila sa 50 porsiyento ang bed capacity para sa COVID-19.
Marami ring staff ng ospital ang tinamaan ng sakit kaya itinigil muna ang ibang serbisyo para makatulong ang ibang staff sa COVID ward.
Sa Northern Samar, na ngayo'y Alert Level 4, tinanggihan ng DOH ang apela na ibalik ang probinsiya sa Alert Level 3 dahil umano sa pagtaas ng health care utilization rate sa lugar.
Pero ipinaliwanag ng provincial health officer na bagaman mataas ang kaso, karamiha'y incidental COVID-19 cases.
Samantala, sa pinakahuling resulta ng genome sequencing, 70 porsiyento ng mga na-sequence ang nakumpirmang tinamaan ng omicron variant.
Pero binabantayan ngayon ng health authorities ang sublineage ng omicron variant na BA.2.
Itinuturing nang variant under investigation sa United Kingdom ang BA.2 dahil sa tumataas na bilang ng nakikitaan nito.
Nasa 40 bansa na rin ang nakapagtala ng kaso ng BA.2 pero hindi pa matukoy kung saang lugar ito nagmula.
"Tayo ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa kinatawan ng [World Health Organization], binibigyan ng datos tungkol sa katangian ng bagong variant na ito," ani Duque.
"Pero so far, ang limitadong datos, nagpapakita na hindi naman ito parang talaga naiiba sa omicron variant," anang kalihim.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.