Pulis inakyat ang bundok para maghatid ng learning module sa paaralan

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2021 05:56 AM

Kuha ng Sadanga MPS
Kuha ng Sadanga MPS

Hindi alintana ni Police Staff Sergeant Vincent Aaron Gomayat ang pagod madala lang ang mga module sa mga estudyante sa bayan ng Sadanga, Mountain Province.

Kamakailan, naging trending sa social media ang kaniyang retrato na naghahatid ng learning module sa eskwelahan.

Kuwento ni Gomayat, hindi kasi makadaan ang sasakyan at motor sa bundok kaya kinailangan itong lakarin.

Mahigit isang oras nilang nilakad ang bundok.

“Iyong napicture-an po sa Buluang iyon. Bale iyon po ang considered na pinaka-malayong barangay dito. Not road accessible po siya. Bale dadaanin iyon ng isang oras at higit pa kasi pataas iyon,” ang sabi ni Gomayat.
 
Dagdag niya, hindi maiiwasang mapagod pero iniisip na lang niya na para sa mga bata ang kanilang ginagawa.

“Iyong pag-deliver namin ng module malaking [bagay] na iyon, makatulong lang kami sa mga estudyante,” paliwanag ni Gomayat.

Naranasan din daw kasi nito ang hirap ng pagiging estudyante sa kanilang lugar.

“Ang iniisip lang namin ang kapakanan ng mag-aaral. Para kahit papaano, hindi maistorbo ang kanilang pag-aaral. Nang sa gayon po ang kanilang mga dreams ay makamit naman nila,” aniya.
 
Paalala ni Gomayat sa mga estudyante na mag-aral ng mabuti.

Tubong Mountain Province din si Gomayat at 20 taon nang nasa serbisyo bilang pulis.

FROM THE ARCHIVES

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.