High-value target patay matapos umanong manlaban sa Laoag

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 07:43 PM

Isang high-value target ang napatay sa lugar na ito Huwebes ng gabi, Jan. 23, 2019, matapos umanong makipagpalitan ng putok sa pulisya sa isang buy-bust operation. Dianne Dy, ABS-CBN News

LAOAG CITY - Isang drug suspect ang patay matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa lungsod na ito Huwebes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Andrew Ventura, na umano'y tulak na nasa top 10 sa drug watchlist ng pulisya sa Laoag.

Ayon sa pulisya, nakatunog ang suspek na operatiba ang kaniyang katransaksyon sa isa palang buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad.

"Nakatunog 'yung suspek at biglang bumunot ng isang baril. Pinutukan 'yung operatiba, at gumanti ang pulis, at nataaman 'yung suspek," ani Police Lt. Col. Amador Quiocho, hepe ng Laoag City Police.

Tinamaan sa dibdib ang suspek na ikinamatay nito. Nakuha sa kaniya ang 7 sachet ng shabu, mga bala at isang kalibre .45 na baril.

Nakulong na umano ang suspek noong 2014 dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Ayon naman kay Sherlyn Baldonado, live-in partner ni Ventura, nagbago na daw ang suspek at tanging pag-aalaga na lamang ng hayop ang libangan nito.

"Nakilala ko siya kalalaya lang niya, pero sabi niya sa akin nagbagong buhay na siya. Pero simula ng nagsama kami, hindi ko naman nakitang gumamit siya," aniya.

Iniimbestigahan naman ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) kung may mga paglabag sa ikinasang operasyon.

"Magkakaroon agad ng motu proprio jurisdiction... para magconduct ng investigation. Titignan nila kung may irregularities o inconsistency sa proper procedure nung police operation procedure regarding the buy-bust operation," ani Police Maj. Rely Layug ng INPPO.

Hiling ng mga kaanak ng nasawi ang patas na imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.