Batang nahulog sa creek sa QC, hinahanap pa rin

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 07:08 AM | Updated as of Jan 24 2020 08:27 AM

Halos 14 na oras nang hinahanap ng mga tauhan ng barangay ang katawan ng 11 anyos na lalaki matapos mahulog ito sa isang creek sa Barangay Obrero, Quezon City.

Ayon kay Barangay Chairman Jose Segundo, alas-3 ng hapon nang maibalita sa kanila ang insidente. Kinilala sa pangalang “Uno” ang bata.

Ayon sa kaanak ng bata, may kasamang 4 na lalaki si Uno nang bumaba sila sa tabi ng creek para mangalakal ng basura. Nakakita sila umano ng bola na palutang-lutang sa creek at sinubukan nilang kunin.

Sinubukan abutin ni Uno ang bola nang madulas siya sa malumot na mga bato at nahulog sa creek. Nahawakan pa umano siya ng mga kasamahan pero dahil sa lakas ng agos ng tubig ay nabitawan siya.

Unang dumating kahapon ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard pero napilitan sila na pansamantalang itigil ang operasyon dahil madilim na at lagpas limang metro rin ang lalim ng tubig.

Inaasahang babalik ang mga tauhan ng Coast Guard alas-7 ng umaga.

Sa ngayon ay buong magdamag nang nagbantay ang mga tauhan ng barangay at kaanak ng biktima dito sa tabi ng creek. Naglagay rin ng mga ilaw sa gilid para agad makita ang katawan ng bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.