Barangay kagawad tiklo dahil sa mga baril, pampasabog

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 12:08 AM

CAGAYAN DE ORO - Arestado ang isang kagawad ng Barangay Canitoan, Cagayan de Oro City nitong Huwebes ng madaling araw matapos marekober ang ilang mga ‘di lisensiyadong armas at pampasabog sa kaniyang bahay. 

Kuha ng PRO 10

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng isang police special operations unit ang bahay ni Cruz Lacre Lustre sa Reyes Compound, Calaanan Relocation.

Dito narekober ng mga pulis ang 2 rifle grenade, caliber .45 na baril, caliber .38 na revolver, at iba’t ibang klase ng mga bala.

Ayon kay Police Lt. Col. Mardy Hortillosa II, tagapagsalita ng Police Regional Office 10, higit 2 buwan nilang minamanmanan si Lustre matapos makatanggap ng report na mayroon itong armas.

"May nagsumbong umabot ito sa Regional Special Operations Unit na ito si kagawad nagdadala ng armas tapos kung mayroon siyang nakakaaway pinagbabantaan niya," ani Hortillosa.

Dating sundalo si Lustre pero ayon sa mga pulis, wala sa kanilang record ang kanyang mga armas kaya ilegal ito.

Hindi na ito nagbigay ng pahayag sa media pero handa umano siyang harapin ang kasong isasampa sa kanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.