Babaeng recruiter umano ng mga 'drug runner', timbog; 4 iba pa arestado

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 05:36 AM

CAVITE - Arestado ang isang 58 anyos na babaeng recruiter umano ng mga overseas Filipino worker para maging "drug runner" matapos ang isang buy-bust operation nitong nakaraang linggo sa isang bahay sa Barangay Molino 4, Bacoor City.

Nakuha ng mga pulis sa loob ng bahay ang isang lata ng gatas na may mahigit 640 gramo ng shabu na may street value na P4,318,000.

Timbog din ang mga nakikitira sa kanya na sina Bainot Saidali, 40 anyos, at Nasser Makalpal, 38 anyos. 

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan ng Bacoor Police, si Juiamalo ang itinuturong supplier ng droga sa ilang bahagi ng siyudad. 

Dagdag ni Cabatingan, target kuhain ng babaeng suspek ang mga naghahanap ng pagkakakitaan habang naghihintay ng deployment sa ibang bansa. 

Isa sa mga recruit umano ay ang 31 anyos na si Ramona Punyong, na unang nahuli sa hiwalay na buy-bust operation at isa sa mga nagturo sa pulis kay Juiamalo. 

Huli rin sa follow-up na operation ang 25 anyos na si Baebon Mohammad. 

Nasabat sa kanilang dalawa ang 50 gramo ng shabu. 

Kapwa high-value targets sina Juiamalo, Punyong, at Mohammad. 

Sa kabuuan, aabot sa 740 gramo ang nakuha sa kanilang shabu na may halagang P5,036, 080 ang street value. 

Aminado sina Punyong at Mohammad na pinasok nila ang pagiging drug courier dahil sa pangangailangan sa pera habang wala pang trabaho sa Middle East. 

Itinanggi ni Juiamalo na nagtutulak siya ng shabu o gumagamit nito. Aniya, pinatutuloy lang niya sa bahay ang ibang mga suspek. 

Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.