PatrolPH

Apela ng LGUs: Dagdag pondo, hygiene kits para sa Taal evacuees

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 08:18 PM

Apela ng LGUs: Dagdag pondo, hygiene kits para sa Taal evacuees 1
Nakaabang ang ilang evacuee sa Laurel, Batangas para mahatiran sila ng relief goods. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Humihingi ngayon ng dagdag na pondo at relief goods ang mga lokal na pamahalaan na apektado ng Taal Volcano eruption.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Balayan, Batangas mayor JR Fronda, hanggang 5 araw na lang ang suplay ng kanilang pagkain para sa mga evacuee at wala pa silang mapagkuhanan ng pondo.

"January pa lang, nag-iipon pa rin ng pera ang munisipyo, at naantala ang pagtanggap ng buwis na ibinabayad ng ating mga mamamayan. Ang question how long will it last? 'Di natin alam, may nagsasabi kung 3 to 7 months," ani Fronda.

Nasa 13,000 ang evacuee sa Balayan ayon sa lokal na pamahalaan. Ganito rin umano ang problema sa Calatagan na may 6,700 evacuee.

Inabisuhan ng pamahalaan ang mga alkalde na gamitin muna ang kanilang calamity fund.

Pero ayon kay Randy Afable, alkalde ng bayan ng Tuy, nasa P2.3 milyon lang ang kanilang calamity fund at hindi aniya ito kasya sa kanilang 6,500 evacuees at mga residente.

"Maliit lang kaming bayan. Siguro mapipilitan kaming gastusin 'yong iba. Hindi namin puwede gastusin lahat sapagkat January pa lang. Malayo pa ang tatakbuhin hanggang December," ani Afable.

Tiniyak naman ni Batangas governor Hermilando Mandanas na nagre-realign pa sila ng mga pondong gagamitin para sa trahedya.

Kaya naman ngayon ay umaasa raw sila sa mga donasyon at sa national government.

Watch more on iWantTFC

Hygeine kits at mga banig at kumot naman ang hinihingi ngayon ng lokal na pamahalaan ng Tagaytay para sa kanilang mga evacuee, na nasa 6,781 hanggang Biyernes ng umaga.

"'Yong relief goods distribution at arrival ay diretso po sa hub. Kinokontrol po namin [depende sa] kung ano po 'yung basic at pangangailangan ng evacuees" ani Jose Clyde Yayong, hepe ng city disaster office ng Tagaytay.

Pinaghahandaan din ngayon ng lokal na pamahlaan ng Tagaytay ang long-term evacuation, ayon sa alkaldeng si Agnes Delgado-Tolentino.

"Mayroon kaming itinalagang pickup points na anim na lugar para sa aming constituents. 'Pag nakita sila sa anim [na lugar] na iyon mayroong pagdadalhan sa kanila na tatlong places lang," aniya.

Nakiusap naman ang Department of Education na payagan nang magbalik ang klase sa mga lugar na hindi gaanong apektado ng pagputok ng bulkan.

Kailangan na raw kasing makahabol sa pag-aaral ang mga estudyante.

Sa ngayon, nakataas pa rin ang alert level 4 sa Bulkang Taal.

-- Ulat nina Bianca Dava at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.