PatrolPH

MILF, bukas sa dayalogo sa Cotabato mayor, pero umaapela ng respeto sa boto

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 06:05 PM | Updated as of Jan 24 2019 10:17 PM

(UPDATED) Iginagalang ng isang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang balak ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na iprotesta ang resulta ng plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa naturang lungsod.

Sinabi ni Sayadi noong Miyerkoles na maghahain siya ng protesta laban sa resulta ng plebisito dahil laganap umano ang pananakot ng mga tropa ng MILF sa mga botante noong Lunes, dahilan para raw manaig ang botong “yes.”

Sa pagkapanalo ng “yes,” mapapabilang ang Cotabato City sa itatatag na Bangsamoro region.

Ayon kay Mohagher Iqbal, chairman ng MILF implementing panel, nakahanda silang ituloy ang pakikipagdayalogo sa alkalde pero dapat din umanong irespeto ni Sayadi ang naging pasya ng taumbayan.

“I respect that. The city mayor can do that because that is her democratic right, but the people have already spoken and I think we should respect this,” sabi ni Iqbal sa panayam ng ABS-CBN News Channel.

“It’s now time for everybody, the yes and the no votes, to converse together and to move forward as one body,” dagdag niya.

Mahaba at makulay ang kasaysayan ng Cotabato City kaya naman ito ang itinuturing na “crown jewel” para sa rehiyon ng Bangsamoro sa Mindanao.

Dalawang beses na ring tumanggi ang mga residente ng lungsod na mapabilang noon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Para kay Iqbal, kumbinsido ang mga residente sa buting maidudulot sa kanila ng BOL.

Watch more on iWantTFC

DISCREPANCY

Sa pagsisimula ng pagberipika sa mga boto nitong Huwebes sa tanggapan ng Commission on Elections sa Maynila, kinuwestiyon ng National Board of Canvassers ang mga pagkakaiba sa mga numero sa botohan sa Cotabato City.

Sa record ng Cotabato City Plebiscite Board of Canvassers, ang "yes" ay may 36,682 na boto at 24,994 sa "no" kaya 61,676 dapat ang kabuuang bilang ng mga boto.

Pero sa certificate of canvass, nakasulat ay 39,027 botante, mas mababa ng nasa 22,000.

Ipinaliwanag ni Rommel Rama, acting election officer sa Cotabato City, na kulang at mali-mali ang encoding na ginawa ng plebiscite committee o mga guro at pulis na nangasiwa sa botohan sa mga presinto.

Bukod doon, nakuwestiyon din ang magkaibang bilang ng boto sa "no" sa lungsod.

Sa certificate of canvass, 24,994 ang bilang ng "no" pero sa summary of votes, naging 22,507 na lang ito.

Dahil dito, pinabilang muli ang mga boto mula Cotabato City.

YES' PANALO SA MARAMING LALAWIGAN SA ARMM

Botong "yes" naman ang nanaig sa karamihan sa mga lalawigan sa ARMM.

Narito ang bilang ng mga boto para sa plebisito sa BOL ayon sa provincial board of canvassers:

  • Lanao del Sur
    Yes: 503,420
    No: 9,735
  • Basilan (maliban sa Isabela City)
    Yes: 147,598
    No: 6,496
  • Maguindanao
    Yes: 599, 581
    No: 9,096
  • Tawi-Tawi
    Yes: 151,788
    No: 9,907

Tutol naman ang karamihan sa mga taga-Sulu na mapabilang sa Bangsamoro matapos manalo ang "no" na may 163,526 boto. May 137,630 naman ang bumoto ng "yes" sa Sulu.

Karamihan din sa mga botante sa Isabela City, Basilan ay bumoto kontra Bangsamoro sa 22,441 habang 19,032 naman ang pumabor.

Inaasahang sa Biyernes matatapos ang pagberipika ng National Board of Canvassers sa Maynila sa resulta ng plebisito, ani Commission on Elections spokesperson James Jimenez.

Sa Pebrero 6 naman idaraos ang plebisito sa Lanao del Norte at ilang barangay sa North Cotabato.

Kapag naratipika ang BOL, mabibigyan ang mga Muslim sa Mindanao ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang kanilang sariling rehiyon.

Matapos ang ratipikasyon ng BOL, kaagad itatayo ang bagong Bangsamoro government na tatlong taong pamumunuan ng MILF hanggang magkaroon ng halalan sa 2022.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na boboto ng "yes" ang mga residente at maipapasa ang BOL, na para sa pangulo ay magtatama sa "historical injustices" na naranasan ng mga Moro sa Mindanao.

-- May ulat nina Christian Esguerra, Ron Gagalac, at Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.