Delivery van nagliyab sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 08:38 PM

TALISAY CITY, Negros Occidental—Isang delivery van ang nasunog sa highway ng Barangay Zone 6 sa lungsod na ito Huwebes ng gabi.

Ayon sa drayber na si Nonelon Baydo, nagulat na lamang siya nang biglang sumiklab ang apoy sa loob ng van.

Binabagtas ng van ang highway sa Mabini Street nang mapansin ng kaniyang kasamang helper ang usok.

Kinalaunan ay natigil sila sa biyahe at agad na bumaba mula sa lumiliyab na van.

Agad namang rumesponde ang mga bumbero at napigilan ang pagkalat ng apoy.

Ayon pa kay Baydo, bago pa man nagsimula ang sunog ay naramdaman na niya ang matinding init sa upuan ng sasakyan.

Isa sa mga nakikitang dahilan ng sunog ay ang pag-overheat ng makina ayon sa Bureau of Fire Protection.

Tinatayang nasa P300,000 ang pinsala na dulot ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.