Bangkay ng lalaking pugot, natagpuan sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 04:01 AM

Natagpuan Lunes ng umaga sa kabundukan ng Mariveles, Bataan ang isang naaagnas na bangkay ng lalaki na pugot ang ulo.

Sa imbestigasyon ng Mariveles police, tinatayang nasa mahigit isang linggo nang patay ang hindi pa nakikilalang biktima. Nakasuot ito ng asul na maong pants at long sleeves.

Dalawang metro ang layo sa Purok 6 Upper, Barangay Ipag, natagpuan ang isang bungo ng tao na pinaniniwalaang ulo ng biktima.

Narekober din ang isang bag na naglalaman ng libro, wallet, at iba pang gamit malapit sa bangkay. Wala namang nakuhang identification card rito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang pagkakakilanlan ng biktima at ang motibo sa pagkamatay. - ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.