7 patay sa pagguho ng lupa sa Mt. Manhupaw sa Agusan Del Norte

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 03:29 PM

Minerong nakaligtas, 7 oras naglakad para humingi ng tulong

SANTIAGO, Agusan Del Norte - Pito ang patay at isa ang nakaligtas matapos gumuho ang lupa at natabunan ang tinutulugang bunkhouse ng mga minero sa Mount Manhupaw sa bayang ito Linggo ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rene Gan-ungunlligan, Ramil Iligan, Casiano Iligan, Tata Salasay, Rex Pening, Jay-i Matanog, at isang alyas Gang-gang.

Nakaligtas naman sa trahedya ang 29-anyos na si Allan Daging. 

Maituturing na pangalawang buhay ito ni Daging at nangako itong ingatan na ang ibinigay na pagkakataon.

Kwento ni Daging, alas-8 ng gabi noong Linggo nang makarinig ito ng malakas na kalabog habang natutulog sila sa bunkhouse.

Nasa ibabaw na siya ng gumuhong lupa nang nagkamalay. Mabuti na lamang umano at hindi siya natabunan sa ilalim.

Narining pa umano ni Daging na humihingi ng tulong ang kaniyang kasamahang minero na si Gan-ungunlligan. Gusto sana niyang tulungan ito pero nahirapan din siyang gumalaw dahil may bali ang kaniyang kaliwang kamay.

Naglakad siya ng pitong oras para makarating sa Sitio Kasagayan para humingi ng tulong. 

Nasa 25 kilometro ang pinangyarihan ng landslide mula sa bayan at kailangan pang maglakad ng sampung oras at dumaan sa tatlong ilog bago makarating sa Mount Manhupaw.

Narekober na rin ang bangkay ni Iligan at naibaba na ito mula sa bundok.

Sa ngayon ay nahukay na rin ang limang kasamahan nila na natabunan ng lupa.

Ayon pa kay Daging, magiisang buwan na umano silang nagmimina doon ng ginto sa Mount Manhupaw at aminado silang wala silang permit.

Gagawa ng imbestigasyon ang Provincial Environment and Natural Resources Office ng Agusan Del Norte sa nangyaring landslide at inatasan ang City Environment and Natural Resources Office ng Tubay na ipatigil ang pagmimina sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.