2 patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 06:59 PM

Sa kabila nang umiiral na election gun ban, dalawang insidente ng pamamaril ang naitala sa probinsiya ng Isabela.

Binaril ang negosyanteng si Robert Uy, 58, habang naglalakad sa Roxas Street, Barangay District 2 sa lungsod ng Cauayan nitong Miyerkoles ng umaga.

Nakuha sa CCTV camera ang pamamaril ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Hindi namukhaan ang mga suspek dahil nakasuot sila ng helmet.

Agad nagsagawa ng hot pursuit ang mga pulis laban sa mga suspek na tumakas sa direksyon ng isang subdibisyon.

Ayon kay Senior Insp. Esem Galiza, tagapagsalita ng Cauayan City Police, natukoy na nila ang katauhan ng dalawang suspek na mga gun-for-hire at may dati nang kinakaharap na kaso.

“Nakilala ng testigo natin ’yung mga suspek dun sa rogue’s gallery,” dagdag ni Galiza.

Iniimbestigahan din nila ang posibilidad na may kinalaman ang pagpatay sa negosyong pautang ng biktima.

Samantala, natagpuang nakahandunsay sa bubong ng pinagtatrabauhan niyang restaurant si Darwin Ramos, 38-anyos na kusinero sa Barangay Dagupan, bayan ng San Mateo.

May sugat ito sa kaniyang likod na hinihinalang tama ng bala.

Ayon kay Chief Insp. Jeffrey Raposas, hepe ng San Mateo Police, sangkot umano ang biktima sa pagnanakaw sa restaurant na nakuhanan ng CCTV camera noong Martes ng gabi.

Mayroon nang iniimbestigahan na person of interest ang awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.