2 'kawatan', patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 05:35 AM

MAYNILA - Patay ang 2 hinihinalang kawatan matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Holy Spirit, Quezon City Huwebes ng madaling-araw.

Ayon kay Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station, isinumbong ang 4 na kahinahinalang lalaki na umaaligid sa may Doña Juana.

Nang respondehan ng mga pulis, naabutan nilang dinidistrongka ng mga lalaki ang lock ng isang convenience store sa may Sto. Niño St. Nagtakbuhan agad ang mga lalaki habang nagpapaputok sa mga pulis. 

Nasukol ang 2 lalaki sa may St. Catherine St. habang nakatakas naman ang kanilang kasamahan sakay ng mga motorsiklo.

Wala pang pagkakakilanlan ang 2 lalaki na napatay. Nakasuot ng itim na jacket at maong na pantalon ang isa habang itim na jacket at short naman ang suot ng isa pang lalaki

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 na baril. - ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.