15 anyos 'nilasing, minolestiya' ng 3 lalaki sa Nueva Vizcaya

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2019 12:36 PM

Dahil sa kalasingan, hindi na nakalaban ang biktima nang magkakasunod na molestiyahin ng tatlong lalaki. Screengrab

Masamang-masama ang loob ng isang lola sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya dahil sa sinapit ng kaniyang 15 anyos na apo sa kamay ng 3 kalalakihan.

"Makulong sila, o kaya mamatay dahil hindi nila karapatan na mabuhay sa ginawa nila sa apo ko," nanggagalaiting sabi ng lola.

Ayon sa kuwento ng pulisya, pupuntahan lang daw sana ng biktimang si alyas "Minnie" ang kaniyang boyfriend nang mapagtanungan ang 3 lalaki na nakatambay sa isang tricycle.

Pero nang makarating sa boarding house ng nobyo, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga ito kaya sumama ang babae sa isa sa mga suspek.

"Nung andun na sila sa boarding house ng boyfriend niya, dineny siya na girlfriend siya. Then bumalik sila sa bahay ng isang suspek, tapos nag-request 'yung victim natin na ihatid siya sa barangay niya. Ang offer po ng isang suspek, mag-inuman sila bago siya ihatid," kuwento ni PO2 Virly Briones ng Solano police. 

Dahil sa kalasingan, hindi na nakalaban ang biktima nang magkakasunod na molestiyahin ng 3 lalaki. Kinuhanan pa umano ito ng video.

"Sabi ko po sa mga lalaki, hindi na po ako iinom ng alak. Eh pinilit po nila akong yayain," kuwento ni Minnie. 

Nalaman ng lola ang nangyari dahil sa mga marka ng halik ng apo.

Sa pagsusuri, natuklasang positibong minolestiya si Minnie. 

"Sa medical result po niya is positive po na nagalaw po siya," ani Briones.

Sa ikinasang operasyon, naaresto ang tatlong suspek na sina Marc Dominic Somera, Aric Kaye Ofquiria, at Ruvenson Salvador.
    
Tumangging magbigay ng pahayag ang tatlo. Sinampahan na rin sila ng reklamong rape.

Magsasagawa umano ang Nueva Vizcaya police ng puspusang pakikipag-ugnayan sa komunidad kasama ang religious sector para maiwasan na ang paglaganap ng rape.
    

—Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.