Tsuper, pasahero, muntik magsuntukan dahil sa maling sukli

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 04:38 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nauwi sa gulo ang umano'y maling panunukli ng isang tsuper ng jeep sa kaniyang pasahero.

Nagkainitan ang tsuper na si Junpil Capili at ang lasing na pasaherong si Jason Preter sa may Elliptical Road, Quezon City nitong Miyerkoles ng umaga.

"Nagbayad siya ng bente ... akala ko dalawa kaya sinuklian ko siya ng kuwatro. Doon nagalit na, nagmumura na, papatayin daw niya ako," kuwento ni Capili sa panayam ng ABS-CBN News.

Kinailangan pang awatin ng pulisya ang dalawa.

"Ako na 'yong nasaktan, ako pa 'yong mali?" buwelta naman ni Preter.

"Pagsakay ko pa lang siningil sa akin pangdalawang tao tapos mali pa po ako?" sabi ng pasahero.

Nagpanggap pang makikipag-areglo ang pasahero subalit bigla nitong sinubukang sapakin ang tsuper.

Pinosasan ng pulisya ang pasahero at dinala sa presinto.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.