Pugante, patay nang makipagbarilan sa mga pulis sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 09:43 PM

Patay sa engkwentro laban sa mga awtoridad si Andy Evangelista, samantalang sugatan naman ang kanang bahagi ng kaniyang baywang si Oting Mando matapos silang tamaan ng bala sa pursuit operation simula Martes ng gabi hanggang Miyerkoles ng umaga. 

Si Evangelista at Mando ang 2 presong tumakas mula sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center noong Enero 15.

Kuwento ni Mando, pagtakas nila mula sa piitan, pumunta sila sa pamilya ni Evangelista sa bayan ng Norala sa South Cotabato.

Naghiwalay sila ng landas nang umuwi na siya sa Maguindanao.

Pero Martes ng gabi, biglang nag-text sa kanya si Evangelista at nagyayang magkita sila sa lungsod Tacurong. 

Ang hindi nila alam, natimbrehan na ang mga pulis sa plano nilang pagnakaw ng motorsiklo sa siyudad.

Ayon kay Police Superintendent Joefel Siason, hepe ng Tacurong City Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagpaplano ang dalawa na magnanakaw ng motorsiklo sa Tacurong. Sa isang beer house naispatan ang dalawa. 

Pero agad nilang napansin ang presensya ng mga pulis. Doon na nakipaghabulan at nakipagbarilan sa awtoridad ang mga pugante. Hanggang umabot ito sa plantasyon ng tubo sa Purok Malipayon, Barangay Balagsikan. 

Doon nagpalipas ng gabi si Mando at iniwan niya si Evangelista.

Ngayong Miyerkoles na ng umaga nasukol si Mando at agad niyang itinuro ang lokasyon ni Evangelista. 

Nang makita siya ng mga pulis, agad siyang itinakbo sa ospital, pero hindi na umabot nang buhay.

Narekober ng mga pulis ang sinakyang motorsiklo ng dalawa. Agad nilang nalaman na ang motorsiklong ito ay napaulat na ninakaw sa bayan ng Norala sa South Cotabato noong Sabado. Nakuha rin ang kalibre-.38 revolver na baril mula kay Evangelista.

Matatandaang nakatakas ang dalawa matapos nilang sirain ang lock ng selda nila at gumamit ng kumot para makababa sa matarik na pader ng piitan.

May hinaharap na kasong carnapping si Evangelista samantalang may kasong kauganayan sa ilegal na droga si Oting. 

Nauna nang naglaan ng P50,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng South Cotabato para madakip ang dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.