Protesta, hindi tigil-pasada, isinagawa kontra 'jeepney phaseout'

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 12:31 PM | Updated as of Jan 24 2018 01:12 PM

MAYNILA - Sumugod sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City ang mga tsuper at operator para kondenahin ang anila'y pagsisimula ng phaseout sa mga lumang jeepney.

Pinangunahan ng transport group na PISTON ang rally na nagsimula sa pagtitipon ng mga tsuper at operator sa Quezon City Circle at dinala sa may East Avenue, harap ng LTFRB at Land Transportation Office, Miyerkoles ng umaga.

Partikular na binabatikos ng mga nagkikilos-protesta ang "Tanggal Bulok, Tanggal Usok" na anila'y simula na ng hindi makatarungang phaseout ng mga lumang jeep para ipasok sa merkado ang "overpriced" umanong unit na ipapalit ng gobyerno.

Nilinaw ng PISTON na hindi sila kontra sa layuning mawala na ang mga mauusok na jeep pero sana ay mabigyan ng pagkakataon ang mga tsuper na mapaayos ang kanilang mga unit, lalo't may kamahalan ito at kakarampot lang ang kita kada pasada.

Una nang sinabi ng PISTON na hindi tigil-pasada kundi kilos-protesta ang kanilang ikinasa ngayong araw para isatinig sa mga awtoridad ang kanilang mga hinaing sa programa ng pamahalaan, lalot maraming tsuper ang mawawalan ng trabaho.

Sa kabila nito, nagpalabas pa rin mga e-jeep at bus ang Inter-Agency Council on Traffic, sa tulong ng pribadong sektor, para sa mga maiistranded sa iginigiit nilang tigil-asada ng mga tsuper at operator.

Maraming pasahero sa Elliptical Road sa Quezon City ang napaulat na nahirapang sumakay Miyerkoles ng umaga pero ayon sa PISTON, hindi ito bunga ng tigil-pasada kundi dahil sa panghuhuli sa mga lumang jeep.

--ulat nina Joyce Balancio at Isay Reyes, ABS-CBN News