P6.8-M na shabu, nakuha mula sa habal-habal driver sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 11:30 AM

SAN CARLOS CITY, Negros Occidental - Isang habal-habal driver na may dalang P6.8 milyon na halaga ng shabu ang arestado sa isang buybust sa Brgy. Palampas, Martes.

Nakuha mula sa suspek na si Christian Unabia ang 6 na malaking sachet ng shabu na tinatayang nasa 600 na gramo.

May sugat sa ulo nang maaresto si Unabia matapos itong tumalon mula sa isang bangin sa likod ng kanyang bahay upang makatakas mula sa mga pulis.

Itinanggi ni Unabia na sa kanya ang mga nakumpiskang droga.

Ayon sa suspek, ipinatago lamang ito sa kanya ng 2 lalaki. Giit niya, hinihintay niya ang tawag ng 2 'di kinilalang lalaki na nangakong babayaran siya kung idedeliver niya ang mga pakete sa 'di pa natutukoy na lokasyon.

Ngunit ayon kay D'Artagnan Katalbas, hepe ng San Carlos kabilang si Unabia sa mga kilalang nagbebenta ng droga sa lugar.

Isinailalim ang suspek sa isang drug test habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.