Mga pulis, inakusahang nagtanim ng ebidensiya ng inarestong tsuper

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 10:23 PM

Inakusahan ng isang tsuper ang mga pulis na nagtanim ng ebidensiya matapos siyang arestuhin dahil sa pagtatago umano ng bala sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Pedro sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte Miyerkoles ng umaga.

Sasampahan ng kasong pag-iingat ng bala ang 54 taong gulang na si Elmer Manuel matapos umanong makakita ng isang bag na may mga bala sa kanyang bahay.

Ayon sa pulisya, nakasilid sa isang maliit na bag na nakuha sa kwarto ni Manuel ang anim na bala ng kalibre .45, dalawang bala ng M-16 rifle, at limang bala ng shotgun.

Itinanggi naman ni Manuel na sa kanya ang mga bala.

"Hindi sa akin 'yan, sir, hindi nga sa akin 'yang bag na naglaman ng mga bala," aniya.

Umalma rin ang anak ni Manuel na si alyas “Gie”.

Inireklamo niya ang umano’y pagtatanim ng ebidensiya ng otoridad.

Ayon sa dalagita, bago pa ang operasyon ay pinasok na ng mga nagpakilalang nakasibilyang pulis ang kanilang tahanan.

"Hindi nila nadatnan si Papa (Elmer) dito sa bahay pero pinalabas kami ng kapatid ko tapos pumasok sila at mayroong ding pumalibot sa likod ng bahay tapos 'yung mga pumasok lumabas rin," salaysay ni Gie.

Depensa naman ng pulis, lahat sila ay naka-uniporme.

Kasama rin umano nila si Manuel na nagtungo sa kanilang bahay matapos nila itong matiyempuhan sa kalsada para mamasada.

"Nakita namin siya sa highway kaya sinabi namin na mayroon siyang SW [search warrant] at sabay-sabay kaming lahat na pumunta sa kaniyang bahay kaya 'yung alegasyon na mayroong naunang pumasok ay hindi ko na masasagot at isa pa naka-uniform kaming lahat," ani Chief Inspector Nelson Cortez, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Ilocos Norte.

Maliban sa mga bala, wala namang nakuhang kalibre .45 baril at M-16 rifle na target ng operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.