Mga preso, pinalikas dahil sa panganib na dulot ng Mayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 09:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinalikas ang mga preso sa bilangguan ng bayan ng Camalig dahil sa banta ng mas matinding pagsabog ng bulkang Mayon.

Nasa 30 bilanggo ang inilipat noong Martes sa Legazpi City Jail mula Camalig District Jail.

Sakop kasi ang bilangguan ng danger zone na pinalawig sa 9 na kilometro.

Para na rin umano ito sa kaligtasan ng mga bilanggo at tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

"Hindi naman kami nahirapan during the transfer, very smooth naman," sabi ni Jail Superintendent Bernardo Sanchez.

Sakaling lumawak pa ang sakop ng danger zone, handa ang BJMP na ilikas ang mga preso mula sa mga bayan ng Guinobatan at Sto. Domingo.

Umakyat naman ngayong Miyerkoles sa higit 60,000 katao ang lumikas sa Albay dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Mayon.

Binabantayan din ng mga awtoridad ang isang low pressure area na posibleng maging sanhi ng mga pag-ulan sa Albay sa Biyernes. Maaari kasi itong magdulot ng mapanganib na lahar flow.

Mga taniman, napinsala

Sa bawat buga ng abo at lava, magkahalong pagkamangha at pagkabahala ang nararamdaman ng mga nakakakita.

Pero ang palabas sa kalangitan ay bumabagsak sa lupa bilang peligro.

Nanatiling balot tuloy sa abo ang ilang barangay malapit sa paanan ng bulkan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kabilang sa mga muling nasapul ng abo Miyerkoles ay ang bayan ng Guinobatan.

Tila sinabuyan ng mga semento ang mga kalsada, dahilan para mahirapan ang mga motorista sa kanilang pagbiyahe.

"Pinapa-slow down natin sila (motorista) kaya 'pag ganito, nagde-deploy kami ng traffic personnel," pahayag ni Chief Inspector Salvador Reteurma, hepe ng Guinobatan police.

Ayon naman sa tsuper na si Senecio Naz, bukod sa masangsang na amoy, naaantala rin ng pag-aalboroto ng bulkan ang kaniyang hanapbuhay.

"Walang pasaherong lumalabas halos," ani Naz.

Pero ang mas umaaray ay ang mga magsasaka.

Sa katunayan, umabot na sa P160 milyon ang pinsala ng abo sa mga pananim sa Albay.

Isa si Armando Sales sa mga magsasakang nanghihinayang dahil sa sinapit ng kaniyang mga tinanim na kamatis.

Kung hindi sana nabagsakan ng abo, 10 beses sana makakaani si Sales sa kaniyang mga pananim.

Matindi rin ang epekto ng abo sa mga palayan.

"'Yong growth niya, mai-staggered kaya siyempre apektado 'yong growth ng palay," sabi ng magsasakang si Boy Nuda.

Bandang hapon, bumisita si Vice-President Leni Robredo sa ilang evacuation center para magdala ng relief goods.

"Everyday dumadagdag ang mga evacuees, 'di alam kung gaano ito katagal," sabi ni Robredo.

Nangako si Robredo na tutugunan ang iba pang pangangailangan ng mga evacuee tulad ng mga palikuran.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.