E-jeeps, sagot ng gobyerno sa umano'y 'transport strike'

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 09:45 AM | Updated as of Jul 18 2019 01:07 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - May 20 sasakyang inihanda ang gobyerno para sa mga pasaherong maaapektuhan ng umano'y tigil-pasada ng mga tsuper at operator ng jeep, ayon sa Inter-Agency Council on Traffic.

Ayon kay Atty. Aileen Lizada ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, tumulong ang pribadong sektor sa pamamagitan ng electric jeeps na gamit sa libreng sakay.

"Nagpapasalamat kami sa private sector kasi sila ang nag-offer ng mga bus at e-jeep nila para makita at ma experience ng ating mga pasahero kung ano ang ibig-sabihin ng modernization," aniya.

Una nang nilinaw ni George San Mateo, lider ng transport group na PISTON, na hindi tigil-pasada kundi rally ang kanilang isasagawa ngayong Miyerkoles, simula alas-9:00 ng umaga. 

"Hindi po magwewelga ang PISTON bukas. Malaking Protest-March Rally po ang ikakasa ng mga drayber at operator bukas sa tanggapan ng DOTr, LTO at LTFRB," ani San Mateo.

 

Sa kabila ng paliwanag ni San Mateo, iginiit pa rin ng gobyerno na tigil-pasada ang isasagawa ng transport groups at una na ring nagsuspende ng number coding ang MMDA kaugnay nito.

Ipinoprotesta ng mga tsuper ang "Oplan Tanggal Usok, Tanggal Bulok" na anila'y simula na ng pagpapatupad ng jeepney phaseout sa ilalim ng tinututulan nilang modernization program.

Ang anila'y hindi makatuwirang pangpupuntirya sa mga jeepney ay nagsisilbing "marketing scheme" para maibenta ang mamahalin at umnao'y mga overpriced na sasakyan na nais ipalit sa jeep.